Wednesday, July 29, 2015

DESTINY: PAG-IBIG NA NABUHAY SA PAMAMAGITAN NG MGA PATAY ni Augusto F. Monsayac

July 30, 2012. Ako ang naatasan ng aking pamilya na mag-asikaso at kumuha ng death certificate ng aming dakilang Amang na si Gemiliano Castro Monsayac na mapayapang pumanaw noong gabi ng July 28, 2012. Umaga ng araw na iyon ay naglakad ako patungo ng barangay hall kung saan naghihintay sa akin ang mga tutulong sa akin sa pag-aasikaso at pagkuha ng pakay ko, gayon din ng mga tulong na magmumula sa munisipyo.

Sakay ng barangay patrol, kasama sina Tata Peping, kapatid ni Amang, si Nana Grace, Ka Romy, at Eli, ang drayber ng baranggay patrol, ay bumiyahe na kami. Huminto ang aming sinasakyan sa isang kanto. Hindi pa kami dumeretsong pumunta sa munisipyo dahil may makakasabay daw ako na kukuha rin ng death certificate. Bumaba ang dalawang kasama ko para sunduin ang aking makakasabay. Habang naghihintay ay napatingin ako sa katapat na poste kung saan ay nakapaskil ang tarpaulin na may larawan ng babaeng pumanaw na din. "Epigenia Caballero Buesa" ang pangalang nakasulat. July 27 naman ang araw ng pagpanaw, magkasunuran sila ng aming Amang. Bumalik ang mga susundo dahil medyo malayu-layo daw pala ang bahay na pupuntahan. Pumasok ang sinasakyan namin sa daan na kailanman ay hindi ko pa napupuntahan noon. Tumigil ang baranggay patrol sa paglagpas ng tulay na malapit sa bahay ng aming susunduin. Ilang minuto ang lumipas, natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakatitig sa babaeng papalapit. Nang mga sandaling iyon ay nakadama ako ng isang napakakakaibang pakiramdam sa aking katawan. Bago pa siya makasakay ay dali-dali kong pinunasan ang kanyang mauupuan. Sa may gitna ako nakapwesto at siya naman ay nakaupo sa may unahan ko, sa may likuran ng drayber.

Sa pag-andar muli ng patrol ay tahimik lang ako na nakatitig sa kanya na panakanaka naman niyang nahuhuli pag napapatingin siya sa likod. Wala kaming imikan. Hanggang sa umukilkil sa isip ko ang apelyidong Buesa. Nang matapat kami sa may poste ay tinanong ko siya kung kaanu-ano niya ung nasa tarpaulin. "Nanay ko", ang matipid niyang sagot. "Saan ka nga nag-aral ng elementary?", agad kong naibulalas na tanong. "Diyan sa Sto. Cristo" , ang sabi niya. "Anong taon ka gumraduate? 1993 din ba?" "Yata." " Anong section ka nung Grade 6? "Ang pagkakatanda ko pilot section ako." Si Ma'am Rustia adviser mo?" "Oo". "Natatandaan mo ba ako?", ang naeexcite kong tanong. "Hindi eh", ang mabilis naman niyang sagot. "Ako si Ago, si Augusto Monsayac. Magkaklase tayo noong Grade 6," pagpapaalala ko sa kanya. Nag-isip siya. "Ah, ikaw ung kulot!", ang masayang bulalas niya na labis na nagpagalak sa akin dahil naalala rin niya ako. "Ano nga ulit ang pangalan mo? Yung apelyido mo kasi ang  naalala ko eh." "ROSALINDA", ang pangalang noon ay naging musika sa aking mga tainga. Kapwa kami natuwa na sa loob ng labing siyam na taon na di kami nagkita mula nang graduation namin noong March 26, 1993 ay muli kaming nagkasama ni Rosalinda. Pinilit kong balikan sa isip ko ang mga alaala nang kami ay Grade Six pa ngunit walang pumasok sa aking balintataw na larawan na kasama siya. Hindi ko matandaan ang hitsura niya noon. May mga pangalan ng mga naging classmates namin akong binanggit pero hindi daw niya sila masyadong naaalala. Mga dalawa lang yata ang natandaan niya. Iyon ung mga naging close friends niya noon. Pati nga pala iyong naging partner niya sa sayaw.
Minsan nga daw may mga tumatawag sa kanya ng 'classmates' pero hindi daw niya nakilala. Sinasabi na lang din daw ng mga ito sa kanya na classmates niya ang mga iyon noong elementary. Baka daw dahil sa pagkaaksidente niya noong siya ay nasa High School kung saan siya ay nabangga ng isang sasakyan kaya medyo hirap siya alalahanin din. Itinuro ko si Nana Grace. "Siya ang Nanay ng isang naging classmate natin, si Jenny". Natuwa si Nana Grace nang sabihin namin na noon lang din kami ulit nagkita ni Rosalinda.

Sa pagpapatuloy ng aming byahe ay tuloy din ang aming kuwentuhan. Atake sa puso daw ang naging sanhi ng pagpanaw ng kanyang mahal na Nanay. Sa pagkukuwentuhan namin ay  may mapansin akong maliit na puti na dumi sa kanyang kanang pisngi. Kinuha ko ang aking panyo at agad ko iyong pinunasan . "Bakit?", ang may pagtataka niyang tanong. "May dumi kasi", sabi ko."Ganun ba. Salamat!", nakangiting wika niya.

Pagsapit sa munisipyo ay pinagbuksan ko sila ng pinto nang kami ay papasok na sa loob. Siya ang unang sumalang sa Local Civil Registrar's Office. Ako naman ay naupo sa di kalayuan at naaliw sa panonood sa kanya. Noong ako naman ang sumalang ay hindi ko pa rin maiwasang sumulyap sulyap sa kanya sa kanyang kinauupuan kahit habang tinatanong ako ng babaeng empleyado ng munisipyo.  Napansin kong tumayo siya at umalis. Hindi ako mapakali nang hindi ko na siya nakita. Inakala kong uuwi na siya kaya nalungkot ako. Natapos ako sa LCR at muli akong bumalik sa upuan sa tabi ng tumutulong sa amin. "Saan po nagpunta si Rosalinda?", tanong ko. Hindi pa man nasasagot ang tanong ko ay bumalik na si Rosalinda kaya laking tuwa ko. May kailangan daw ipa-photocopy kaya daw siya lumabas. Nagpa-xerox din ako. Pagbalik ko ay pinapunta kaming dalawa ni Rosalinda sa Center sa kabilang building. May mangilan-ngilang nakapila kaya naghintay kami. Magkatabi kami ni Rosalinda sa pila. Kapwa kami nakasandal sa pader. Unti unti akong umuusog palapit sa kanya. Nang magdikit ang aming mga braso ay nahalata yata niya kaya umalis ako sa pila. Tumayo ako sa may bandang harap kung saan masisilayan ko ang kanyang mukha. Talagang nahalina ako sa pagtitig sa kanya. Ngumingiti na lang ako pag nahuhuli niya akong nakatingin sa kanya...

Pagkagaling sa Center ay muli kaming sumakay sa barangay patrol para daw pumunta naman sa Center sa may likod ng pamilihang bayan. Pagdating sa center ay wala pa daw doon ang doktor na kailangang pumirma sa dala naming mga papel kaya muli kaming bumalik sa munisipyo. Pinaasikaso na lang muna sa amin iyong mga tulong  na magmumula sa Senior Citizens Office.

Muling bumiyahe ang barangay patrol para bumalik sa Center sa may palengke. Habang nasa biyahe ay tumawag si Nana Grace sa doktor na pakay namin. Papunta pa lang daw pala ang doktor at medyo malayu-layu pa ang panggagalingan. Bilang pampatay oras, dumaan muna kami sa sementeryo na paglilibingan ng mahal na Nanay ni Rosalinda. Kakilala pala ni Eli, ang drayber ng patrol, yung sepulturero at care taker nung sementeryo. Nakiusap sila Rosalinda na kung magagawan daw ng paraan na mailapit sa puntod ng Tatay niya ang paglilibingan sa kanyang Nanay.

Mula sa sementeryo ay dumeretso na ulit kami papuntang Center. Wala pa rin daw si Dok kaya ipinarada muna sa gilid ang patrol. Bumaba sina Nana Grace at Ka Romy para pumunta sa Center. Nagpaalam naman si Rosalinda na magsi-CR lang daw muna siya. Kaming dalawa lang ni Eli ang naiwan sa sasakyan. Lumingon sa akin si Eli. "Dalaga pa daw yun", tukoy niya kay Rosalinda. "Kuhanin mo ang number", ang idinugtong niya. "Talagang kukuhanin ko ang number niya. Humahanap lang ako ng tamang tiyempo", may pagmamalaking sagot ko.

Nang makabalik si Rosalinda sa sasakyan ay medyo pinagpawisan siya. Habang nagpupunas siya ng pawis ay pinaypayan ko naman siya gamit ang envelope na dala ko. "Okey lang ako", sabi niya para itigil ko na daw ang pagpaypay. Kwentuhan at biruan kami uli habang naghihintay kami sa pagdating ni Dok. Nagkasabihan ng kasalukuyang trabaho. Sa mga sandaling iyon ay naging palagay na palagay na ang loob namin sa isa't isa. At doon na nga ako nagkatapang ng apog na kuhanin ang cellphone number niya. Sa pagka-excited ay medyo nanginginig-nginig ang aking mga daliri sa pagtatype ng number habang dinidikta niya ang mga iyon. "Yes!" ang naisigaw ko sa aking isip nang mai-save ko na ang number ni "Lindz" sa cellphone ko. "Thank you!" ang himig ng aking pasasalamat sa kanya.

Bumalik si Nana Grace at sinabing dumating na si Dok. Pumasok kami sa Center at pinagbuksan ko uli siya ng pinto. Agad na nakatapos si Rosalinda. Nang turn ko na ay kulang daw ang impormasyon na nakalagay sa papel na dala ko. Tumawag si Dok sa may Center sa munisipyo. Pinabalik niya ulit kami doon. Nang sasakay na ako sa patrol ay wala si Rosalinda kaya hinanap ko siya. Nang makita ko na siya ay agad ko siyang pinayungan dahil umaambon na nang mga sandaling iyon. Pagsakay namin sa patrol ay nasambit ni Eli, "Ngayon lang kami natagal nang ganito sa paglalakad ng ganyan ah." Nangiti na lang kami ni Rosalinda.

Bumalik kami sa Center sa munisipyo. Bumalik ulit kami sa Center sa may palengke. Naayos na at nakuha na namin ang pirma ni Dok. Bumalik ulit kami sa munisipyo at sa Local Civil Registrar. Naibigay na rin sa amin ang death certificate na talagang sadya namin. Pinapunta kami ni Rosalinda sa building kung saan ay ibibigay sa amin ang tulong na magmumula sa munisipyo. Naghintay kami ng ilang minuto kaya kwentuhan ulit sandali. Sabi ng empleyada ay bumalik na lang kami kinabukasan dahil wala pa daw ung kailangang pumirma para marelease ang perang ibibigay sa amin. Bago kami bumaba ay nag-usap kami kung anong oras kami babalik kinabukasan. Lihim na natuwa ang puso ko dahil may pagkakataon na muli kaming magkikita at magkakasama ni Rosalinda.

Nang matapos na lahat ang mga kailangan namin ay bumiyahe na kami pauwi. Hinatid si Rosalinda sa kanila. Huminto mismo sa tapat ng bahay nila ang patrol. Pagbaba niya ay dali dali kong kinuha ang cellphone ko at palihim kong kinuhanan ng picture si Rosalinda. "Bye!" ang salitang nagtapos sa halos apat na oras naming pagkakasama ng araw na iyon.

Pag-uwi ko naman sa bahay namin ay agad kong iniabot kay Inang ko ang envelope na kinalalagyan ng death certificate ni Amang. Habang nakaupo kami sa sofa sa harap ng kabaong ni amang ay may galak kong sinabi, "Inang, mukhang magkakatotoo ang sinabi mo kagabi na "Ngayong wala na ang Amang ninyo, eh hangad ko na nawa'y makapag-asawa kayo ng mga kuya mo." May pananabik kong ipinakita sa kanya ang stolen shot ko kay Rosalinda. "Ang ganda niya, di ba, Inang?. "May ngiti rin sa kanyang mukha nang sabihin niyang "Maganda nga. Isama mo siya rito at nang makilala ko", pag-engganyo niya sa akin. Tumayo ako at lumapit kay Amang. "Maraming salamat, Amang!" ang aking nawika, sabay halik sa salamin ng kabaong na nakatapat sa kanyang mukha ng kapayapaan. Pagkatapos, pumanhik ako sa aking kuwarto. Naghalungkat ako sa kabinet at hinanap ang Graduation Invitation ko noong Grade Six at nakita ko nga ang pangalang Rosalinda C. Bueza sa hanay ng mga naging kaklase ko.

Mula nang araw na iyon ay naging magaan para sa akin ang bigat at sakit na dulot ng kalungkutan ng pagpanaw ng aming Amang. Sa mismong araw na iyon nabuhay sa aking puso ang natatanging pag-ibig ko para kay "Lindz."

Sinimulan kong dumalaw kay Lindz noong pasiyam ng kanilang Nanay. Sinambit niya sa akin ang kanyang matamis na "OO" at siya ay aking naging "Mahal" noong March 18, 2013. Nagproposed ako sa kanya sa Adoration Chapel sa simbahan ng Pulilan at naging engaged kami noong September 7, 2013. Namanhikan kami sa kanila noong February 9, 2014. Ikinasal kami sa Simbahan sa Plaridel noong May 18, 2014. At isinilang ang aming panganay na anak na lalaki noong July 24, 2015.

(Photo: Ang stolen shot ko kay Rosalinda nang maihatid siya sa kanilang bahay.)