Bakit nga ba kung sagut-sagutin mo ang iyong INA ay gayon-gayon na lang? Bakit nga ba kung pagtaasan mo siya ng boses ay parang ikaw ang magulang? Bakit kung magalit ka sa kanya at kung awayin mo siya ay tila napakalaki ng kasalanang nagawa niya sa'yo? At bakit kung sumbatan mo siya ay waring utang na loob na niya sa iyo ang kanyang buhay? Bakit....?
Kulang na kulang pa ba talaga?
Kulang pa ba ang mga buwan na dinala at inalagaan ka niya sa kaniyang sinapupunan, sa kabila ng lahat ng mga pagbabagong idinulot nito sa kaniyang katawan? Kulang pa ba ang mga sakit at hirap na kaniyang pinagdaanan maisilang ka lamang niya ng buhay at malusog?
Kulang pa ba ang mga pagod na dinaranas niya sa pagkalinga niya sa'yo? Kulang pa ba ang kaniyang mga puyat masigurado lang niya na makatulog ka nang mahimbing? Kulang pa ba ang mga oras na nalipasan siya ng gutom matiyak lang niya na ikaw ay busog?
Kulang pa ba ang mga labis niyang pag-aaalala sa tuwing magkakasakit ka o sumasama ang iyong pakiramdam? Kulang pa ba ang kaniyang mga luha na palihim na dumadaloy sa tuwing ikaw ay nasasaktan?
Kulang pa ba ang mga pagtitiis, mga pagsisikap at mga pagsasakripisyo niya sa pagnanais na maibigay ang lahat mong pangangailangan, mapalaki ka lang nang maayos, at matulungan kang matupad mo ang iyong mga pangarap?
Kulang pa ba talaga?
Kung siya ang tatanungin, "OO, kulang na kulang pa.", dahil para sa mga DAKILANG INA na katulad niya, hindi pa rin sapat ang lahat ng iyon dahil ganoon talaga katindi ang pagpapahalaga niya sa iyo, dahil gayon talaga kawagas ang pag-ibig niya para sa'yo, na kaniyang PINAKAMAMAHAL NA ANAK.
Kaya nga kahit labis siyang nasasaktan sa mga masasakit na salitang pinagsasabi mo sa kaniya, sa kabila ng mga maling pagtrato na ipinadarama mo sa kaniya, sa kaibuturan ng kaniya puso ay may taimtim na dasal sa Maykapal na nawa'y huwag mong danasin ang alin man sa mga iyon. Wala sa mga iyon ang makapipigil sa araw-araw at patuloy niyang panalangin para sa iyong magandang kalusugan, matiwasay na buhay, at kaligtasan sa anumang kapahamakan. At dahil para sa kaniya ay kulang pa ang mga mabubuting ginawa at ginagawa niya para sa iyo, maging sarili niyang buhay ay inilalaan niya para proteksyunan at ipaglaban ka, hanggang sa kaniyang huling hininga.
Ngayon, para sa iyo, kulang pa ba ang mga ipinapakita mong KAWALAN NG RESPETO sa iyong INA? O baka naman, sobra-sobra na?