*PARA SA PAMILYANG MINAMAHAL*
ni Augusto Monsayac
PARA SA PAMILYANG MINAMAHAL mo kaya ka naghahanapbuhay, 'di ba? Kaya kapag dumating ka sa punto na waring tinutukso o natutukso ka na kumapit sa patalim, isaalang-alang mo rin sila. Ikatutuwa ba nilang malaman na ang "ipinapangkain" nila ay galing pala sa masama? Maaari mong ipangpalusot na "Hindi naman nila malalaman iyon". Oo, maaring hindi nga nila malaman, pero hinding-hindi mo naman iyon maililihim sa iyong sarili.
Ibang-iba pa rin ang sarap sa pakiramdam na siguradung-sigurado ka sa iyong sarili na sa marangal na paraan mo naitataguyod ang iyong pamilya at sa mabuting paraan mo nakakamtan ang iyong ipinangtutugon sa pangangailangan ng mga mahal mo sa buhay. Mas masarap isipin na ang ibinibigay mong pangkain nila ay matamis na bunga ng iyong "dugo at pawis"; pagtitiyaga at pagpapagal; gamit ang sarili mong lakas at kakayahan. Mas masarap pagmasdan ang kanilang ganang kumain, lalo na ng iyong anak.
Mas payapa ang puso at isipan mo na matupad mo ang pangarap mong buhay para sa kanila nang alam mo sa sarili mong wala kang inagrabyadong tao para isakatuparan ang mga iyon. Mas masarap marinig ang kanilang pasasalamat sa lahat-lahat ng ginagawa mong pagsasakripisyo para sa kanila. Mas ramdam mong ikinararangal ka nila kapag nababanggit nila sa iba kung ano ang iyong trabaho o pinagkakaitaan, hindi man ganon kalaki ang iyong kinikita.
Mas maligaya mong mahaharap ang bawat araw at ang bawat bukas dahil naniniwala kang alam ng Diyos ang iyong mga pagsisikap na lumaban nang patas sa buhay. Mas may kabuluhan ang buhay na kabilang ka sa mga inspirasyon na nagpapatunay na:
HINDI KAILANGANG KUMAPIT SA PATALIM PARA LANG MAY MAKAIN, PARA LANG MABUHAY. AT, HINDI KAILANGANG KUMAPIT SA PATALIM SA PAGTUPAD NG PANGARAP, PARA MAGTAGUMPAY."
____________________________________________
PARA SA PAMILYANG MINAMAHAL ni Augusto Flameño Monsayac
Kahit na gaano pa kahirap ang buhay
Nagtitiis, nagtitiyaga sa paghahanapbuhay.
Refrain:
'Di iniisip na kumapit pa sa patalim
Dahil 'di ibig na ang pamilya'y kumain
Nang sa masama nanggaling.
Chorus:
Para sa pamilyang minamahal
Nagsisikap kumita nang marangal
Hindi alintana ang pagod at hirap
Para sa pamilya;
Para sa pamilyang minamahal
Nagsisipag sa paghahanapbuhay
Para kamtan ang pangarap na buhay
Para sa pamilyang minahal.
Kahit na 'di gaano kalakihan ang kita
Patuloy na kumakayod sa mabuting paraan.
(Ulitin ang Refrain at Chorus)
Bridge:
Karamdaman o kapansanan man
Ay 'di makapipigil
Sa paghahanapbuhay nang may dangal
Para sa pamilyang minamahal.
(Ulitin ang Chorus, maliban sa huling salita)
(Ulitin ang Chorus)
Para sa pamilyang minamahal.