Sawatain ang alingawngaw ng pagsuko sa buhay;
Kaisipang inutil ang ilibing sa malalim na hukay;
Katawang hapung-hapo sa kahinaang tinataglay
Ikanlong sa mga bisig ng may mapagpalang mga kamay.
Diwa ay palayain sa tanikala ng kahapon;
Mga abo ng pagkakamali ay ipaanod sa alon;
Bawat panibagong araw ay isang pagkakataon
Upang maisakatuparan ang mga mabubuting layon.
Umahon sa kumunoy ng kawalang kahalagahan;
Saliksikin at dalisayin ang mga angking katangian;
Mula sa lumang katauhan at pagkakakilanlan
Pasilangin ang mapaglingkod at mapagmahal na nilalang.
Pagsikapang sa mga sariling paa ay tumayo;
Lakas ng loob ay paghariin sa kalamnan at sa dugo;
Sa samu't saring karanasang sumusubok sa puso
Pananampalataya ay palaging hayaang nakatimo.
Batiin ang kalangitan, ngitian ang mga ulap;
Pag-asa ang isalubong sa nakaabang na hinaharap;
Mga pawis ng sakripisyo sa pagbata ng hirap
Katumbas ay halimuyak ng tagumpay na pinapangarap.
Magpatuloy sa pagtahak sa kabuluhan ng buhay
Hanggang humantong sa pinahuling hiningang naghihintay;
Katatagan ang maging bakas ng isang paglalakbay
Na ang wakas ay sa piling ng may mapagpalang mga kamay.
No comments:
Post a Comment