Inibig ko nang ika'y mapangasawa
Na sa habambuhay ay aking makakasama
Maging sa hirap at sa ginhawa.
Na hindi ako karapatdapat para sa iyo
Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko
Mapaibig lamang ang puso mo.
Nang maging tayo nga
Ako na ang pinakamasaya
Dahil tunay kang pagpapala
Sa akin ng Dakilang Manlilikha.
Nang ako'y mag-aya
Na tayong dalawa ay magpa-isang-dibdib na
Napuspos ng galak ang aking kaluluwa
Nang sabihin mong pumapayag ka.
Nang tayo'y ikasal
At mapasa akin ang iyong mga kamay
Langit ang pasasalamat ko sa Maykapal
Na ako ang 'yong mister at ikaw ang aking maybahay.
Nang ganap na magbunga
Ang pagsasama natin bilang mag-asawa
Kaypalad ko na ako'y naging isang ama
Na ang anak ko ay ikaw ang dakilang ina.
Kaligayahan ko, mahal ko
Na aking maipahayag sa iyo
Ikinararangal ko sa buong mundo
Ikaw ang aking natatanging KABIYAK NG PUSO.