Natatandaan mo ba kung sino ang pinakaunang tao na sinabihan o tinukoy mo na "PANGIT"? Naalala mo ba ang araw na iyon na nilait mo ang kaniyang anyo? Natatandaan mo ba kung gaano kalakas ang halakhak mo nung pinagtawanan mo ang kaniyang hitsura? Nabibilang mo ba lahat ng sinabihan, nilait at pinagtawanan mo na " PANGIT" para sa iyo.
Alam na alam ko, HINDI. Dahil bale wala lang sa iyo ang makapanakit ka ng damdamin ng itinuturing mong ganoon. Dahil wala kang pakialam.
Pero ako, tandang-tanda ko lahat. Maging ang mga itinuturing mong "PANGIT" sa isip mo at lihim mong nilalait sa iyong puso ay kilala Ko. Oo, kilalang-kilala Ko silang lahat, kilalang-kilala Ko ang bawat isa sa kanila dahil Ako ang lumikha sa kanila.
Sa tuwing sinasabi mong "PANGIT" ang iyong kapwa, Ako ang sinasabihan mo noon dahil nilikha Ko sila nang ayon sa Aking wangis. Ang mga panlalait at pagtatawa mo sa kanila ay sa Akin mo ginagawa dahil Ako ang kanilang Manlilikha. Ako, ang Manlilikha na siya ring lumikha sa iyo nang ayon din sa aking wangis.
Nang ayon sa Aking wangis, buong kaligayahan Kong inanyuan ang bawat isa sa inyo sa sinapupunan ng inyu-inyong mga sariling ina. Gamit ang Aking kapangyarihan at karunungan, ay maingat Kong binuo ang bawat bahagi ng inyong katawan. Magkakaiba man ang hitsura, anyo at kulay na inyong nakikita, lahat kayo ay Aking binigyang-buhay nang may wagas na pagmamahal. At, mahal na mahal ko ang bawat isa sa inyo.
Kaya, higit sa sakit na dulot ng panlalait, pagtatawa, pagsasabi at paglalarawan mo ng "PANGIT" sa iyong kapwa, ay labis na kalungkutan ang hatid nito sa Akin dahil patunay ito na hindi mo alam ang kahulugan ng tunay na kagandahan.
Kaya sa susunod na maisipan mo ulit laitin at pagtawanan ang anyo ng iyong kapwa, at bago mo siya sabihan ng "PANGIT", alalahanin mo Ako na Lumikha sa kaniya, na Siya ring Lumikha sa iyo.
No comments:
Post a Comment