CELLPHONE OVER MOTHER
"I HATE YOU! I HATE YOU! I HATE YOU!" ang sigaw ni Wishy sa kanyang Nanay pagkapasok na pagkapasok nila ng kanilang bahay. Naalimpungatan ang kaniyang Tatay na natutulog noon sa kawayang upuan. Dali-daling pumasok si Wishy sa kanyang kuwarto sa taas at padabog na itinulak pasara ang pinto kaya kumalabog iyon.
Humalik si Emer sa kaniyang misis at kinuha ang mga pinamili nitong mga gamit-pang-eskwela, sapatos at uniform ni Wishy. "Ano ba ang nangyari?", tanong niya sa kaniyang kabiyak.
Naupo si Nilda. "Ang anak mo kasi, pinipilit ako na ibili ko na din daw siya ng cellphone para sa pasukan daw meron na siya. Siya na lang daw kasi ang walang cellphone sa kanilang magbabarkada kaya nahihiya siya. Sabi ko pinag-iipunan pa natin. Ayan, nagalit na sa akin," kwento niya.
Tinabihan ni Emer ang asawa. Hinawakan niya ang kamay nito. "Pagpasensyahan mo na ang anak natin ha, Mahal ko. Ako na bahala."
Kinabukasan ng gabi, bago matulog si Wishy ay pinuntahan siya ng kaniyang ama sa kuwarto niya para iabot ang regalo nito sa kaniya.
"Wow! Maraming salamat, 'Tay!", ang natutuwang sabi ng labing tatlong gulang na si Wishy nang makita ang android na cellphone na pilit na pinabibili niya kahapon sa kaniyang ina.
" I love you, 'Tay!", sabay yakap sa sa kaniyang ama.
"Aba, ngayon ko lang ulit narinig 'yang 'I love you' mo ah. Kung 'di pa pala kita binigyan niyang cellphone na gusto mo, 'di mo pa ako makukuhang sabihan ulit non," biro ni Emer sa anak.
"'Di naman po ganon, 'Tay."
"E paano ang Nanay mo? Ano ang sasabihin mo sa kaniya?"
"Whatever!", ang may galit pa ring turing ni Wishy para sa kaniyang ina.
"O sya, sige. Matulog ka na at pasukan n'yo na bukas. Maaga ka pa gigising," paalala ng Tatay ni Wishy.
"Opo, 'Tay," sagot ni Wishy.
Pagkalabas na pagkalabas ng Tatay niya ay excited na pinag-aralan ni Wishy ang paggamit ng kaniyang cellphone. Sa Galery ay may nakita siya na isang video. Pinanood niya iyon. Noong simula ay nandidiri siya dahil bidyo iyon ng isang ipinapanganak na sanggol. Naiirita pa siya sa mga pag-iri-iri ng nanganganak kahit parang pamilyar sa kaniya ang boses. Medyo nangiti siya nang pagkatapos ng isang todo-lakas na iri ay ganap nang nakalabas ang sanggol at umiyak iyon.
Inilagay ng komadrona ang sanggol sa dibdib ng bagong panganak na babae. Kasabay ng patuloy na pag-iyak ng sanggol ay ang unti-unting pagtulo ng mga luha sa mga mata ni Wishy nang makita niya na ang babaeng iyon ay ang kaniya palang Nanay na noon ay nag-aagaw-buhay na. "Mahal, lumaban ka. Ayan na ang anak natin oh. Nagtagumpay ka sa pagsilang sa kaniya. Ayan oh, buhay na buhay siya. Kaya pakiusap, mabuhay ka din, Mahal ko," ang umiiyak na ring tinig ng ama ng sanggol na umalingawngaw sa mga tainga ni Wishy.
Tapos na ang video na pinapanood ni Wishy pero patuloy pa rin ang kaniyang pagluha. Pinahiran niya ng kumot ang kaniyang mukha nang marinig niya ang notification ng damating na text sa cellphone niya. 'Di niya napigilang bumuhos na muli ang kaniyang luha habang binabasa niya ang mensahe ng kaniyang Tatay:
"Anak, more than anyone in this world, it is YOUR MOTHER who DESERVES your LOVE and RESPECT. And SHE'S THE ONE whom YOU NEED more than anything."
No comments:
Post a Comment