Monday, December 17, 2018

*BAKIT SA SABSABAN?* ni Augusto Flameño Monsayac

*BAKIT SA SABSABAN?*
ni Augusto Monsayac

Noong isilang ang Panginoong Jesus, ganoon  nga ba talaga katigas ang puso ng mga may-ari ng mga "bahay-panuluyan" at ng mga taong nakatuloy sa mga iyon nang araw na iyon, na WALA man lang nagbigay ng lugar para sa kanila, kung saan Siya maaaring "IHIGA"?

Ganoon ba kawalang silbi si Jose na hindi man lang siya nakapaghanda at nakagawa ng paraan na sa mas maayos na lugar ang maging panganganak ng kaniyang pinakamamahal na asawa sa sanggol na ipinagkatiwala sa kaniya ng Diyos? Ganoon ba kawalang kwentang ina si Maria na sa isang "SABSABAN" lang niya inihiga ang kaniyang panganay na anak, na isang sanggol na lalaki na binalot niya sa lampin?

Ganoon ba kawalang pakialam ang Makapangyarihang Diyos Ama na binayaan Niya na sa isang sabsaban lamang ihiga ni Maria ang Kaniyang "Bugtong na Anak"? Bakit hindi Niya siya pinigilan, gaya ng pagpigil Niya kay Abraham sa pagpatay kay Isaac? Bakit hindi Siya nagsugo ng Kaniyang anghel para pagbawalan si Maria na ihiga "ang sanggol" sa isang sabsaban gayong ginawa naman Niyang magsugo ng anghel sa kaniya para ibalita ang kaniyang pagdadalantao kahit siya ay birhen pa, at sa pagbabalita ng anghel sa mga pastol na "isinilang na ang Tagapagligtas, ang Cristo na Siyang Panginoon"?

Bakit nga ba sa "SABSABAN" "INIHIGA" si "JESUS" noong Siya ay isilang? Ano ang dahilan?

SA halip na sa bahay-panuluyan, kung saan mas maayos, malinis at komportable, inihiga sa sabsaban ang Panginoong Jesus dahil MINABUTI Niya na mahiga sa isang SABSABAN- lugar-pakainan ng mga hayop, marumi, makati, dahil TAYO, ang SANLIBUTAN,  ang SABSABAN na iyon. "Hinubad Niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos", "nagkatawang-tao" Siya para ganap na iparamdam na "Sumasaatin ang Diyos" na siyang kahulugan ng Kaniyang pangalang "Emmanuel". Sa kabila ng ating pagiging makasalanan (marumi, makati) inibig pa rin Niyang "mahiga" sa atin, "pakisamahan" tayo, "makapiling" tayo at "mamuhay" kasama ng mga tao para ipahayag sa atin kung gaano tayo kahalaga sa Kaniya. Bagamat Siya ang "Hari ng mga hari" at "Panginoon ng mga Panginoon", buong kapakumbabaan niyang niloob na Siya ay "ihiga" sa isang sabsaban sa pinakaunang mga oras pa lang ng Kaniyang pagiging tao para ipadama ang Kaniyang wagas na pagmamahal sa buong sanlibutan.

TAYO ang SABSABAN.


(Photo credit to the owner.)

No comments:

Post a Comment