Saturday, June 30, 2018

ANG MATALINO AT ANG MADISKARTE ni Augusto Flameño Monsayac

Isang hapon ng araw ng Linggo, habang minamaneho ni Madi ang kanyang bagong biling magarang kotse, natanaw niya ang isang pamilyar na tao na naglalakad sa gilid ng kalsada. Hinintuan niya ito at tinawag.

"Matt, ikaw ba yan?", ang bungad niyang pagbati sa dating kaklase.

"Uy, ikaw pala, Madi!" Big time na big time ka na ah."

"Saan ka ba pupunta? Bakit naglalakad ka lang. Tara, sakay na at ihahatid kita", paanyaya ni Madi.

"Ganon ba. Sige, maraming salamat!", ang malugod na tugon ni Matt.

"Halos dalawampu't limang taon tayo 'di nagkita ah. Kamusta ba buhay-buhay?", panimula ni Madi sa pakikipagkwentuhan kay Matt nang paandarin niya muli ang kanyang sasakyan.

"Eto, buhay pa rin naman sa awa ng Diyos", ang simpleng sagot ni Matt. " Ganda nitong kotse mo ah."

"Actually, panglima ko nang sasakyan to". Kinailangan ko nang bumili ng bago eh." Tumawa si Madi pagkasabi niya noon.

"Sa dating bahay nyo pa rin ba ikaw nakatira?", pag-usisa ni Madi. "Oo", ang maikling tugon ng kaniyang sakay.

"Nakabili na ako ng sariling lupa. Nakapagpatayo na rin ng sariling bahay. Worth 10 million lang kaya maliit." Muling umalingaw sa loob ng kotse ang tawa ni Madi pagkasabi niya noon.

"E di, mayaman ka na pala talaga."

"Parang ganon na nga." At napahalakhak nang husto ang mayabang na mayaman.

"Noong nag-aaral tayo, lagi kang kasama sa honors hanggang sa paggraduate natin. Samantalang ako, kabilang sa ilang masasabi na pasang-awa. Kung hindi ko pa ginamit ang kagwapuhan ko noon, baka hindi pa ako nakapasa. Ikaw? Ano nangyari sa'yo? Saan napunta ang talino mo?"

"Eh ganon talaga,", ang nahihiyang sagot ni Matt, na halata na ang ibig ni Madi na patunguhan ng kanilang pag-uusap.

"Minsan talaga, DAIG NG MADISKARTE ANG MATALINO, no," ang nakangising komento ni Madi habang nakalingon kay Matt.

Kinuha ni Madi ang kaniyang wallet. Iniabot iyon kay Matt. "Kuha ka na dyan kung magkano kailangan mo. Saka bumili ka na rin ng bagong tsinelas. Ako ang nahihiya sa butas niyang suot mo eh.", at nagtawa siyang muli.

Ibinalik ni Matt ang pitaka kay Madi. "'Di na. Salamat na lang," pagtanggi niya.

"Hay, ang sarap talaga maging mayaman," ang parinig ni Madi. "May maganda kang bahay, mga sasakyan. Nakakapunta ka sa gusto mo puntahan, nagagawa mo ang mga gusto mo gawin, nabibili mo ang gusto mong isuot, nakakain mo ang masasarap na pagkain na gusto mong kainin."

"Ako naman, nagpapasalamat ako sa Diyos na pinagkalooban niya ako ng karunungan para maagang marealize na "ANG BUHAY  NG TAO DITO SA MUNDO AY HINDI PARA MAGPAYAMAN KUNDI GUMAWA NG MABUTI THAT WILL MAKE HIS SOUL WORTHY OF HEAVEN,", pahayag ni Matt.

"Ano sabi mo?", pagpapaulit ni Madi sa sinabi ni Matt.

Sa halip na ulitin ang kaniyang sinabi, Kinuha ni Matt ang Bibliya na nakapatong sa kotse ni Madi. "Binabasa mo ito?", tanong niya kay Madi.

"Hindi. Pangdisplay lang. At pangpalusot na rin," ang dahilan ni Madi.

"May ballpen ka?", tanong ni Matt.

"Dyan sa lalagyan".

Signpen ang nakita ni Matt. Nakita rin niya ang isang maliit na organizer. Sa pinakahuling pahina noon ay may isinulat si Matt. Pinilas niya ang pahinang sinulatan niya at inipit sa Bibliya.

"Basahin mo," ang sabi ni Matt kay Madi pagkatapos niya ibalik ang Bibliya sa pinagpapatungan nito.

"Sige, mamaya," ang wala sa loob na sagot ni Madi.

Pagkatapos maihatid ni Madi si Matt sa pupuntahan nito ay waring umukilkil sa kaniyang mga tainga ang "Basahin mo" na sinabi sa kaniya ni Matt. Inihinto niya muli ang kaniyang sasakyan. Kinuha niya ang papel na nakaipit sa Bibliya. "LUCAS 16:19-31 at LUCAS 18:18-25" ang nakasulat.

Hinanap ni Madi sa Bibliya ang mga bersikulong tinukoy ni Matt. Binasa niya ang mga iyon nang makailang ulit.

Napaisip si Madi. "Kung 'NAPAKAHIRAP MAPABILANG SA MGA PINAGHAHARIAN NG DIYOS ANG MAYAYAMAN', paano pa kaya ang mga katulad ko na ang naging diskarte para yumaman ay sa pamamagitan ng masamang paraan."

At nagbago ang pananaw sa buhay ni Madi mula noon.

No comments:

Post a Comment