Thursday, June 21, 2018
MAGKANO ni Augusto Flameño Monsayac
"Lord, magkano po ang buwan?", ang tanong ng siyam na taong gulang na si Utot habang minamasdan ang tinutukoy na maliwanag na bagay sa kalangitan na nasa hugis na tila nakangiti.
"Eh ang bawat isang bituin po, Lord, magkano?", ang kasunod na pag-usisa ni Utot habang palipat-lipat ang kaniyang tingin sa mga talang abot-tanaw niya.
Huminga nang malalim si Utot. "Iyon naman po, Lord, magkano iyon?", tukoy niya sa hangin na kanyang nilanghap.
Hinimas ni Utot ang kanyang payat na katawan. "Ito po, Lord, magkano ito?" ang paulit-ulit niyang usal habang itinuturo ang kanyang bawat bahagi.
Itinapat ni Utot ang kaniyang kanang palad sa kaniyang kaliwang dibdib. "Magkano naman po ang bawat isang ganito, Lord?", patungkol naman niya sa bawat tibok ng kaniyang puso.
Ngumiti si Utot ng napakatamis na ngiti na kanyang magagawa, habang umaagos ang mga luhang kusang bumubukal mula sa kanyang mga mata. "Lord, thank you po ha, at binibigay Ninyo ang lahat ng ito nang LIBRE."
Pumikit si Utot. At ilang sandali lang ay mahimbing na siyang nakatulog sa hinihigaan niyang karton sa loob ng kaniyang kahoy na kariton na kaniyang itinabi sa isang di-kalakihang puno ng akasya, malapit sa gilid ng high-way, para magpalipas ng gabi, at mairaos muli ng isang araw ang kumakalam niyang sikmura.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment