Wednesday, January 30, 2019

DEAR NANAY AT TATAY ni Augusto Flameño Monsayac


January 30, 2019

DEAR NANAY AT TATAY,

MALIGAYANG KAARAWAN po ng inyong pagiging MAGULANG sa inyong "BUNSO". MARAMING SALAMAT po sa pagiging INSTRUMENTO sa inyo ng DIYOS para si "INDA" ay MAISILANG dito sa mundo. Salamat po sa lahat ng PAG-AALAGA, PAG-AARUGA, PAGKALINGA at PAGDIDISIPLINA na inyong inilaan para sa kanya noong kayo po ay nabubuhay pa.

Nanay, Tatay, hindi ko man po kayo pareho inabutan, ikinararangal ko pong maging mga "BIYENAN" ko kayo. Aminado po ako na hindi ako ang "perfect o karapatdapat" na lalaki para sa aking "LINDZ", pero lubos ko pong ipinagpapasalamat ang inyong pagtanggap sa akin bilang "MANUGANG" ninyo. Ramdam na ramdam ko po, sa pamamagitan din ng magandang pagtanggap sa akin ng aking mga HIPAG at BAYAW, na inyong mga ANAK, na akin na rin ngayong mga KAPATID, pati na rin ng inyong mga APO, na akin na ring mga PAMANGKIN.

Noon pong July 30, 2012, ang itinadhanang araw na nagkita kami uli ni ROSALINDA pagkaraan ng halos 19 na taon mula nang kami ay makapagtapos nang Elementarya, dahil sa NAGKASABAY kami noon na KUMUHA ng "DEATH CERTIFICATE" ninyo, NANAY, at ng aking AMANG. Isang araw lang po kasi ang pagitan ng pagpanaw ninyo, Nanay, sa araw ng pagpanaw ni Amang ko kaya pakiramdam ko noong araw na iyon ay wari bagang "IPINAGKASUNDO" ninyo kami. "PAG-IBIG NA NABUHAY SA PAMAMAGITAN NG MGA PATAY" ang aming matamis na "LOVE STORY" dahil sa inyo.

Nanay, Tatay, hindi man rin po ninyo inabutan ang inyong "APO" kay Inda, kaligayahan ko pong sabihin sa inyo na isa siyang NAPAKADAKILANG INA sa aming anak. Kaalinsabay po ng WAGAS na PAG-IBIG niya sa aming si "FRANCIS" ay ipinapadama din po niya ang PAGMAMAHAL na inyong ipinamana sa kaniya. Gayon din po, ikinararangal ko pong ipahayag sa inyo na isa siyang TUNAY NA BUTIHING MAYBAHAY O KABIYAK. Salamat po sa ipinakita ninyo sa kaniya na INSPIRASYON ng pagiging isang MAPAGMAHAL na MAGULANG at ASAWA, sa kabila ng lahat ng hirap at lahat ng mga pagsubok sa BUHAY-PAMILYA. Salamat din po sa patuloy ninyong pagiging mga "GABAY" namin, kasama ang aking Amang na inyong BALAE.

Maligayang Bumabati,

AGO

No comments:

Post a Comment