"Kilalang-kilala kita.
"Alam Kong nagugulumihanan ka. Alam Kong gulung-gulo ang isipan mo. Alam Kong labis kang nangangamba dulot ng mga kamalian at mga kasalanang nagawa mo sa nakaraan at nagagawa sa kasalukuyan. Alam Kong takot na takot ka na malaman ng iba ang iyong mga kasamaan. Takot kang husgahan ng iba, lalo na ng iyong mga mahal sa buhay at malalapit na mga kaibigan.
"Para takasan ang lahat ng ito, maging ang mga posibleng kaparusahan na dapat mong danasin, ay ilang beses mo nang naisipan at tinangkang wakasan na ang iyong buhay. Gayon pa man, hanggang ngayon ay bigo ka pa rin sa bagay na ito. At tinuturing ko itong napakatamis na tagumpay mo.
"Sa kabila ng pag-uusig mo sa iyong sarili na "pinakamasamang tao sa buong mundo", nakikita ko pa rin ang kabutihang nananahan sa iyong puso. Sa kabila ng mga kasalanan mong para sa iyo ay karapatdapat sa kamatayan, pinanghahawakan mo pa rin ang pag-asa na habang nabubuhay ka, "may magagawa ka ring mabuti", nang may pagbabakasakaling sa pamamagitan nito ay kahabagan Kita at loobin Ko pa ring makabilang ka sa mga makakapasok sa Aking Kaharian. Dama ko ang taimtim mong paghingi ng kapatawaran sa bawat mong kasalanan, maging sa gawa at isip man. Ramdam na ramdam ko ang katotohanan sa taos-puso mong pagpapahayag ng, "Let Thy will be done on me, Lord. Gamitin N'yo po ako sa kabila ng aking pagiging makasalanan."
"Magpatuloy ka lang. Gawin mo ang bawat mabuting bagay na maisipan mong gawin. Huwag mong hayaang maging hadlang ang iyong mga kamalian at kasalanan para isakatuparan ang mga ito, at ang misyon ng iyong buhay na siyang dahilan ng Aking paglikha sa iyo.
"Magpakatatag ka. Kapag dumating na ang mga panahon na Aking itinakda para pagbayaran mo ang mga kasalanan mong nagawa sa iyong kapwa, huwag na huwag kang matakot na harapin ang mga ito, pati ang mga pagsubok na kaalinsabay nito, nang may kapakumbabaan. Mas maigi na diyan sa lupa mo danasin ang mga kaparusahan at paghihirap kaysa danasin mo ito sa walang hanggang apoy ng impyerno.
"Pakatandaan mo, "AKO ANG IYONG TAGAPAGLIKHA. ANAK DIN KITA. MAHAL NA MAHAL KITA. HINDING-HINDI KITA PABABAYAAN."
No comments:
Post a Comment